Thursday, October 7, 2021

Gatas sa Labi 1

By: Jayvee Mondal / Pic: Eugene Tejada

Musmos pa lamang ako ay nakakitaan na ako ng “kalambutan” ng ibang tao. At ang ibang tao pa nga ay marahas na tinatawag akong bayot, isang salitang humugis ng aking pagkatao sa murang edad pa lamang. Hindi man nila alam na ang paggamit sa salitang ito para tawagin ang isang tao ay isang uri ng diskriminasyon, hindi mo rin sila lubos na masisisi dahil na rin sa salat na kaalaman o saradong isipan pagdating sa usapang kasarian. Lalo na at pawang mga maralita lamang ang mga nakatira sa aming liblib na baryo at kulang na kulang sa access sa magandang edukasyon. O marahil sinasadya nilang gawin ito sa kadahilanang hindi pa mawari ng munti kong kaalaman sa buhay.

Malayo sa kabihasnan ang aming baryo, walang kuryente rito sa amin at iisang dyip lamang ang dumadaan sa maputik-putik na kalsada sa isang buong araw, minsan ay wala pa. Maging ang mga tulay dito ay gawa sa kahoy at ang mga bahay-bahay ay magkakalayo.

Samakatuwid, payak ang pamumuhay rito sa aming baryo ngunit masasabi ko pa ring masaya ang aking kabataan dahil malaya akong nakakatakbo sa malawak na lupain, nakakapaglaro ng kung anu-ano kasama ang aking mga kaibigan na tulad ko ay may mga gatas pa sa labi. Inosente, ayun sa mga nakatatanda.

Nasa ikalawang paitang ako noon ng elementarya nang nangibang-bansa ang aking ina. Naiwan akong mistulang ulila sa kadahilanang ang aking ama lamang ang tangi kong kasama sa bahay, madalas pa ay wala ito kapag ako ay umuuwi matapos ang isang buong araw sa paaralan. Ibig sabihin, naiiwan ring mag-isa ang malaki naming bahay dahil kahit aso ay wala kaming alaga.

Tuwing hapon o Sabado at Linggo, puro larong pambata lang ang aking alam na gawin. Pagsapit ng gabi ay saka ako mag-aaral habang hinihintay ang pagdating ng aking ama. Hindi ko alam kung saan siya pumupunta sa araw dahil wala rin naman itong permanenteng opisina o hanap-buhay sa aming probinsya.

Madalas kong kalaro tuwing hapon ay ang aking pinsang buo na mas nakababata sa akin ng isang taon. Kung ano ang usong laruin ay aming nilalaro—syato, habulan, tagu-taguan, akyat sa mga puno ng bayabas, santol o caimito, ligo sa ulan, ligo sa batis, magpapaanod ng kung anu-ano sa umaagos na tubig, manghuhuli ng mga insekto, magkumpuni ng truck-truckan gamit ang mga kalat na makikita sa paligid, at marami pang iba. Parati kong kasama ang aking pinsan dahil kami ang magkalapit ng edad, at magkalapit ng bahay. Ang bahay namin ay malapit sa kalsada, at ang bahay naman ng aking lolo kung saan nakatira ang aking pinsan ay nasa taas ng burol, sa gitna ng lupain ng aming angkan na isa ring niyugan.

Parehong malaki ang bahay ng aming lolo at ang sarili naming bahay na mag-ama, ang pinagkaiba lamang ay ang pagkakaroon ng pangalawang palapag sa bahay ng aming lolo. Isa itong ancestral house na itinayo noong panahon pa ng mga Español, kaya makikitaan na ito ng kalumaan at bakas ng madilim na kahapon. Gawa ito sa kahoy o tabla maliban sa bubong na gawa sa yero. Sa pangalawang palapag ay naroon ang silid ng aming lolo, walang kama o katre doon dahil ang tulugan sa amin ay banig na gawa sa hibla ng abaka. Sa baba ng kanyang silid ay ang mahabang hapag-kainan at kusina, at dahil gawa sa kahoy ang sahig nito ay maririnig sa baba ang bawat kilos mula sa itaas, kabilang na ang pagkakataong kausap ng aming lolo ang kanyang sarili. Dagdag pa rito ang isang malaking butas sa sahig na kasinglaki ng kamao ng tao, kaya malayang tumatagos ang ingay mula sa taas papunta sa baba, at vice versa. Hindi na namin naabutan o nakilala ang aming lola, pumanaw ito bago pa man kami isinilang.

Mula nang nangibang-bansa ang aking ina, at madalas akong naiiwang mag-isa sa bahay, mas kinawiwilihan ko na ang mamalagi sa bahay ng aking lolo kung saan ay ka-tandem ko sa paglaro ang aking pinsan. May dalawa pa siyang mas nakatatandang mga kuya (na siyempre ay mga pinsan ko rin) pero dahil mga nagbibinata na ang mga ito ay hindi na nakikipaglaro sa amin. Maliban sa kanila, kasama din nilang nakatira sa bahay ng aming lolo ang mga magulang nila, kabilang ang tiyo ko na siyang unang pumukaw ng aking “kakaibang” pagkatao.

Bigyan natin ng pangalan ang aking tiyo dahil siya ang bida sa kabanatang ito ng aking masalimuot na buhay. Tawagin natin siyang si Tiyo Samuel. Hindi ito pantasya. Ito ay isang salaysay at simpleng pagsusuri sa kung paano ako naparito.

Si Tiyo Samuel ay isang simpleng tao. Gawain niya ang umakyat sa mga puno ng niyog dito sa malawak na lupain ng aming lolo hindi lamang para magmasid na parang ispya kundi para rin magburo ng tuba. Tulad ng aking ama, hindi rin ito pumipirme sa bahay sa kadahilanang hindi ko rin mawari sapagkat wala rin naman itong permanenteng hanap-buhay. Uuwi itong gabi na, sa oras ng hapunan. Marahil lahat ng kalalakihan sa aming probinsya ay ganun ang nakaugaliang gawin sa buhay—sa araw ay nasa labas ng bahay para kumayod at kumita, at sa gabi ay uuwi sa kani-kanilang tahanan sa piling ng pamilya.

Napapadalas na naaabutan na rin ako ng gabi sa bahay ng aming lolo. Dito na dumidiretso ang aking ama para hanapin at sunduin ako sa oras ng kanyang pag-uwi. Minsan ay gabing-gabi na siyang dumarating, at mayroon pang mga araw na hindi na siya umuuwi kaya inaabutan na ako ng umaga sa bahay ng aming lolo. Pero sa lahat ng pagkakataon na siya ay dumarating, kahit dis-oras ng gabi at may alak na sa katawan, kinukuha niya pa rin ako, ginigising mula sa mahimbing na pagkakatulog nang sa ganoon ay makauwi kami sa sarili naming tahanan at doon ay itutuloy ang pagtulog. Kadalasan ay hindi ako nagigising kaya binubuhat niya ako, pinapasan sa likod niya, at ika-ikang tatahakin ang isang kilometrong layo pababa sa burol. Minsan ay nararamdaman ko ang pagtama sa aking mukha ng mga dahon ng mga halaman at maliliit na puno sa paligid.

Kahit sa musmos na edad ay natatandaan ko pang may mga pagkakataong inaaway ng aking ama ang aking tiya. Isang gabi, dumating ang aking ama at malayo pa lang ay nagsisigaw na sa galit. Pinipilit ng aking ama na ako ay gisingin at palabasin ng bahay ng aming lolo para kami ay makauwi na, lasing na lasing ito, at nagsagutan sila ng aking tiya. Huwag na daw akong gambalahin. Hayaan na lang daw na matulog ako doon at kinabukasan na lang daw ako pauuwiin. Lalong nagwala ang aking ama at nagbitiw ng maraming masasakit na salita tungkol sa aking tiya, sa aking ina at sa buong angkan nila. Marahil nakarating sa aking ina ang madalas na paglalasing ng aking ama, na ako ay hindi naaalagaan ng maayos kaya’t naimungkahi nito na doon muna ako manatili sa bahay ng aking lolo pansamantala, bagay na hindi matanggap ng aking ama.

Gayunpaman, nagpaubaya ang aking ama at sa kanyang pagtatampo ay hindi ito nagpakita ng matagal, kahit sa akin. Ang aming bahay ay naging desyerto, maging ang mga bintana nito at pinto ay pinako ng permanente para hindi mabuksan. Tanging ang maliit na pintuan sa likod-bahay ang nagsisilbing lagusan sa mga gustong pumasok tulad ko na paminsan-minsan ay dumadaan sa bahay para makakuha ng kasuotan o gamit sa eskwelehan.

Bilang bata, tuloy lang ang buhay ko bilang mag-aaral. Eskwelahan sa araw. Laro sa hapon. Akdang-aralin pagkatapos ng hapunan. Tulog sa gabi. Hindi ko rin maiwasan na isipin ang aking ina at aking ama at ang mga kapatid ko na noon ay nasa malalayong lugar na rin. May kapatid akong nasa bayan dahil high school na at doon siya nakatira kasama ang mga kapit-bahay naming high school na rin. May mga kapatid rin akong sa murang edad pa lamang ay nakikipagsapalaran na sa Maynila, para makalayo na rin sa aming ama na walang ibang ginawa raw noong araw kundi ang pagpapaluin ng sinturon o kahoy o ng kung anuman ang mga nakatatanda kong kapatid. Marahil ay maswerte na kaming mga bunso o nakababatang mga anak na kahit kailan ay hindi nakatikim ng palo mula sa aming ama.

Sa aking pangungulila ay napapadalas ang aking paglayo mula sa aking kalarong pinsan. Ironically, mas ginugusto kong mapag-isa. Madalas akong tumatambay o lumalagi sa labas ng aming bakanteng bahay, doon ako ay naglalarong mag-isa sa ilalim ng punong caimito. Takot akong pumasok sa loob ng bahay dahil ayun sa mga pilyo kong pinsan na mas nakatatanda sa akin, may white lady na raw na nakatira roon at may mga asong umaalulong kapag hating-gabi.

Minsan, naglalakas-loob akong pumasok sa loob ng bahay, kahit tirik ang araw sa labas ay madilim talaga sa loob, walang liwanag na pumapasok at hindi ko mabuksan ang mga bintana dahil matibay ang pagkakapako ng mga tablang nilagay ng aking ama. Susuriin ko ang paligid, at kapag kumportable na akong walang anumang masamang elementong magpapakita, titingnan ko isa-isa ang mga larawang naka-frame at nakapaksil sa pader ng sala: Una, ang sepia wedding portrait ng aking ama at ng aking ina. Parehong blangko ang ekspresyon nila, pero para sa akin ay makapangyarihan ang dala ng araw na ito ng kanilang kasal. Hindi ko alam kung paano nauwi sa ganito at kung bakit kailangan na magkaibang landas na ang tatahakin nila. Pangalawa, ang makisig na larawan ng aming panganay, palagay ko ay nasa bente anyos na siya rito. Kuha ang larawan sa isang studio sa Maynila, ipinadala sa pamamagitan ng isang liham na may nakalakip ring kaunting salapi. Hindi ko natatandaang nakita ko na sa personal ang aming panganay.

Sunod kong pinagmamasdan ang isang kuwadrong puno ng mga larawan ng iba ko pang mga kapatid. Kuha mula sa recognition day sa school, sa sayaw, sa kaarawan, at iba pa. May mga larawan ring naroon ako. Pansamantalang nawawala ang aking takot, ang aking pangungulila, pero di kalaunan ay tumatakbo na ako palabas ng bahay. Pakiramdam ko ay may tatapik ng likod ko, may nagmamasid...

To be continued… [Mahirap po pala magsulat sa cellphone, inabot po ako ng madaling araw at medyo nawawalan na ng lakas ang mga daliri ko kaka-type. Kaya hanggang dito na lang muna. Ibabahagi ko ang karugtong sa mga susunod na araw.]

Sent from my iPhone

No comments:

Post a Comment